DOS
Jose Jason Chancoco

  Nagpangyapos ang madla at sa kalsada
  kumawala ang kumpol-kumpol na hatol. 
  Mahirap damitan ng legalidad ang
  punit na puri at tiyang nabubutas na
  sa gutom. Lalo na't ang daldal sa TV

  at radyo ay parang pusang 'di ma-anak
  at 'di naman mamatay-matay. Babagsak
  kang bangag matapos makipaglasingan
  sa de-hollow blocks na usapan, kung saan
  mga manananggol na de-tililing

  lamang ang nagsisipagkasya. Malimit
  tuloy magbasagan na lang ng serbesa
  sa ulo ang mga pilosopong walang 
  trabaho upang isulong ang katwiran.
  Mas mainam ang maging hukom at nang 'di

  tayo masakdal sa pinunong hinalal.
  Isang sobre ang naging kabaong para
  sa pangulong hilo sa bulwak ng itim
  sa lansangan--lipunang nakipaglibing
  sa kanyang mga pangako. Mag-martsa ang

  mismong titik ng Saligang-Batas. Ngitngit
  na binaybay sa kamao ang salitang
  salin ng langit--wagayway ng watawat
  na ipinagtahi ng Poon para sa
  malayo ang tingin--"Hoy, nandito kami!"   

 

COVER
BACK
NEXT